Binigyan tayo ng Diyos ng bibig para makapagsalita
at utak para makapag-isip.
Lahat ng ibinigay at inilikha ng
Diyos ay maituturing na biyaya. Maging ang pamilya man o mga kaibigan natin
ito, ang kakayang gumising bawat umaga at pumasok sa paaralan, ang kinakain
natin araw-araw, ang suot nating mga damit, at marami pang iba – lahat ito
regalo niya sa atin. Ang paggamit ng regalong ibinigay sa atin ang
pinakamagandang paraan para maipakita ang pagpapahalaga natin dito.
Dalawa sa
mga regalong ipinagkaloob sa atin na maaaring madalas natin binabalewala ay ang
ating bibig at ang utak. Ito ang mga regalong tayo lamang ang makakagamit at
hindi kailanma’y pwedeng kunin ng iba sa atin. Ang bibig ay hindi lang
ginagamit para ngumuya ng pagkain. Ang utak ay hindi lamang andiyan para maging
tama ang andar ng katawan. Ginagamit ang bibig para makapagsalita at utak para
makapag-isip.
Hindi
naipaghihiwalay ang paggamit ng utak sa pag-iisip at bibig sa pagsasalita.
Walang saysay magsalita nang hindi pinag-iisipan kung ano ang sasabihin, at
wala ring saysay ang utak na nag-iisip kung hindi bibigkasin ang mga ideya at
pananaw ng nag-iisip. Ang bibig ay isang instrumentong walang kinikilalang
hangganan sa mensahe at ideyang nais iparating ng nagsasalita. Kapag ginamit ito
sa masamang paraan, maaari itong makasira at makabigo ng tao sa katotohanan o
kasinungalingang nilalaman ng mga sinasabi. Ngunit kapag ginamit naman ito sa
wasto at mabuting paraan, marami itong sugat na kayang gamutin – maraming tao
na pwedeng pasayahin at maraming mali ang maiwawasto.
Dahil dito,
ang bibig at utak ay dalawang regalo sa atin na kailangang gamitin ng sabay
para magkaroon ito ng saysay. Kung isa lang sa alinman sa dalawa ang ginamit,
palaging bitin at may kulang, at para bang nawalan na rin ng bias ang dalawa.
Maraming tao at buhay ang mababago at mapapasaya sa paggamit pareho ng bibig at
utak.
No comments:
Post a Comment